MANILA, Philippines - Paiigtingin pa ng nagdedepensang Ateneo at La Salle ang kanilang mga puwesto sa team standings sa pagharap sa magkahiwalay na laro sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Inaasinta ng Eagles na makabalik uli sa pagsalo sa ikalawang puwesto sa pagsagupa sa wala pang panalong UP sa unang laro bago sumagupa ang Archers sa National University dakong alas-4 ng hapon.
Sa bisa ng 64-63 panalo ng Adamson sa FEU kamakalawa, natiyak na magkakaroon sa taong ito ng Final Four at ang Ateneo at La Salle ay parehong palaban pa para sa unang dalawang puwesto at ang mahalagang twice to beat advantage na makakamit sa susunod na yugto.
Inilampaso ng tropa ni coach Norman Black ang Maroons sa unang pagkikita, 78-53, at hindi malayong makadalawa sila sa UP lalo na kung patuloy ang pangangapa pa ng mga manlalaro nito sa bagong istilo ng coach na si Boyet Fernandez.
May misyon din ang La Salle sa pagharap sa Bulldogs dahil nga sa naiukit na 59-55 panalo ng huli sa unang pagtutuos.
Ngunit makaaasang todo bigay ang Bulldogs sa larong ito dahil pagsosyo sa ikaapat na puwesto na hawak ng kalaban ang maisasakatuparan kung manalo sila uli sa Archers.
Si Emmanuel Mbe na gumawa ng 22 puntos at 19 rebounds ang inaasahang mamumuno uli sa Bulldogs bukod pa sa tulong nina Kokoy Hermosisima Jr., Glenn Khobuntin at Jewel Ponferrada habang sina Joseph Samuel Marata, Joshua Webb, Simon Atkins at Maui Villanueva ang mga aasahan naman ni coach Dindo Pumaren para makuha ang panalo.