MANILA, Philippines – Iinit ang puwestuhan ng mga koponang kalahok sa 73rd UAAP men’s basketball sa pagtatangka ng dalawang koponan na makasalo sa ikalawang puwesto ngayon sa Araneta Coliseum.
Ang nagdedepensang Ateneo ay babangga sa walang panalong UP sa tampok na laro dakong alas-4 paborito na matuhog ang ikaapat na panalo sa anim na laro.
Posible ngang magkaroon ng tatlong koponan na magkakasalo sa nasabing puwesto dahil ang Adamson ay balak ding isulong ang kasalukuyang 3-2 karta sa pagsukat sa husay ng UE ganap na alas-2 ng hapon.
Solong nasa ikalawang puwesto sa ngayon ang pahingang La Salle (4-2) habang patuloy naman ang pagkakakapit ng FEU sa liderato sa malinis na 6-0 karta.
Mahalaga para sa Ateneo at Adamson ang makukuhang panalo upang manatiling matibay ang kapit sa unang dalawang puwesto na sa pagtatapos ng double round elimination ay magtataglay ng mahalagang twice to beat advantage.
Magmumula ang Eagles sa pagkalos sa National University, 82-65, sa huling laro upang matuhog ang ikalawang sunod na panalo at maibaon sa limot ang 63-66 kabiguan sa karibal na La Salle.
Ang ipinagmamalaking depensa naman ang inaasahang ipaparada ng Falcons sa Warriors upang makabawi rin buhat sa tinamong 65-74 kabiguan sa FEU sa huling tunggalian.
Kailangang magpakita ng gilas ang tropa ni coach Leo Austria dahil ang Warriors ay kagagaling lamang sa pagtuhog sa kanilang unang panalo matapos ang apat na sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 59-54 tagumpay sa UP.
Si Paul Lee na naghahatid ng 20 puntos, 7 rebounds, 3.6 assists at 1.8 steals sa 29.6 minutong paglalaro ang aasahan ni coach Lawrence Chongson.