MANILA, Philippines - Nakatakdang magsanay si Filipino world minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes sa Wildcard Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach bilang preparasyon sa kanyang title defense laban kay Mexican challenger Mario Rodriguez sa Agosto 14 sa Los Mochis, Sinaloa, Mexico.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na itataya ng 28-anyos na si Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown.
Matapos talunin si Pornsawan Porpramook via unanimous decision para sa dating bakanteng WBO minimumweight belt noong Setyembre 30, 2007 sa Cebu City, dalawang sunod na naidepensa ng tubong Murcia, Negros Occidental ang naturang titulo.
Binigo ni Nietes si Eddy Castro via second-round KO noong Agosto 30, 2008 sa Cebu at umiskor ng isang unanimous decision kay Erik Ramirez noong Pebrero 28, 2009 sa Oaxaca, Mexico bago isinunod si Manuel Vargas sa bisa ng isang split decision noong Setyembre 12, 2009 sa Nayarit, Mexico.
Nanggaling si Nietes sa isang tenth-round TKO kay Jesus Silvestre sa kanilang non-title fight noong Enero 23, 2010 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang magiging ikatlong pagkakataon na magdedepensa si Nietes ng kanyang WBO minimumweight crown sa Mexico. “Ako lang at siya ang maglalaban sa ibabaw ng ring at ang magaling lang ang mananalo,” sabi ni Nietes. “Ako ang champion at wala akong planong iwanan sa Mexico ang title ko.”
Magtutungo ang Team Nietes sa Mexico sa Agosto 11 para sa pre-fight conference.
Kasalukuyang bitbit ni Nietes ang 26-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa 10-5-3 (7 KOs) ng 21-anyos na si Rodriguez.