Misor, Cebu nakalusot sa overtime

MANILA, Philippines - Dumaan man sa butas ng karayom ay nagawa pa rin lampasan ng Misamis Oriental at M Lhuillier Kwarta Padala Cebu ang matinding hamon upang maipanalo ang ikalawang sunod na laro sa day two ng 8th leg ng Tournament of the Phi­lippines sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.

Pinawi ni Stephen Padilla and 1-of- 13 shooting sa tres nang maipasok ang buslo may 33 segundo sa overtime upang maigiya ang Ninos sa 91-87 overtime pa­nalo laban sa Ascof Lagundi.

Dalawang sunod na tres naman ang pinakawalan ni Patrick Cabahug sa overtime para tulungan ang Meteors sa 75-69 tagumpay laban sa Hobe Taguig.

Namuro na matalo ang Ninos nang lumayo sa 77-71 ang Cough Busters sa hu­ling 2:20 sa regulation matapos su­mablay ang unang sampung buslo ng Ninos.

Tinapos nga nila ang yugto sa masamang 2 of 16 shooting pero dalawa rito ay sa ginawang pagbangong kasama ang tres ni Ian Saladaga na nagtabla sa regulation sa 79-all.

Ang Meteors din ay muntik-muntik nang matalo sa regulation nang ibigay ni Ariel De Castro ang 67-65 kalamangan may walong segundo sa orasan sa isang three point play sa foul ni Mark Moreno.

Pero si De Castro, na gumawa ng 23 puntos, ang siya ring tumulong sa host team na makatabla sa regulation nang kapitan niya ang net matapos ang buslo ni Eder Saldua upang matawagan ng goal tending.

Ang mga tagumpay na ito ay nagselyo sa Cebu at MisOr ng puwesto sa finals na paglalabanan sa Huwebes at pakay ng host team na makabawi sa bisitang koponan matapos silang talunin sa sixth leg.

Show comments