MANILA, Philippines - Ang matulungan ang mga kabataang naghihirap para makatapos ng edukasyon, iyan ang hangarin ng isang benefit game na kung saan maghaharap ang mga alamat ng Philippine basketball at ang mga papa-usbong na mga manlalaro.
Magsasama ang Philippine Basketball Association Legends at ang mga manlalaro ng UNTV na tinaguriang Hoopsters sa isang game-for-a-cause na “Hoopsters Meet The Legends” sa Agosto 1, Linggo sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Magsisilbing coach ng magkabilang koponan si Kuya Daniel Razon na magiging playing coach para sa mga Hoopsters habang si dating Toyota player Orlando “Orly” Bauzon naman ang magmamando sa mga PBA Legends.
Sa pangunguna ni Kuya Daniel Razon, ang hangarin ng benefit game na ito ay upang matulungan ang mga kabataan na mula sa mahihirap na pamilya na makapag-aral ng libre sa kolehiyo.
Masasaksihan din sa larong ito ang muling paglalaro ng mga legendary PBA players na nagnais ding makatulong sa hangarin ng UNTV.
Maglalaro para sa mga Hoopsters ang mga kabataan na may mga alias gaya ng sa And1 sa America. Kabilang dito sina Big Step, The Spin, Bounce, Target, Jack Hammer, Small Step, The Chief, Nice One, Cyclone, Shadowm, Spitfire at The Kid.
Sa panig naman ng mga PBA Legends, magbibida sina first ever PBA MVP William “Bogs” Adornado, Freddie Hubalde, Phillip “The Scholar” Cezar, Bal “The Flash” David, “Fortune Cookie” Atoy Co, “Captain Marbel” Kenneth Duremdes, Jerry Codiñera, Bong Alvarez, Vergel Meneses at Jun Limpot.