15-taong record sa ITT giniba ni Reynante sa Koten race

MANILA, Philippines - Tuluyan nang nabasag ang 15-year national record sa 40-km Road Race Individual Time Trial (ITT) na ipinoste ni Domingo Villanueva sa Australia nang magtala ng bagong marka si Lloyd Lucien Reynante sa ITT qualifying ng Koten Unification Races sa Balayan, Ba­tangas kahapon.

Nagposte si Reynante ng bagong RP mark na 58 minutes at 22.55 seconds sa dinaanang 40-km course na lumarga mula sa Balayan at tumahak sa mapaghamon at maalong ruta sa Lian at Calatagan.

Sumegunda kay Reynante si Tomas Martinez sa ka­nyang mas mabagal na tatlong segundo.

Ngunit dahil sa pasok na sa National Team sina Rey­nante at Martinez matapos na mag-qualify ang mga ito sa Track Competitions noong isang linggo, hindi sila ang magsusuot ng bandila ng bansa sa ITT event ng 16th Asian Games sa Nobyembre.

“Napagdesisyunan na po kasi ng Unified Board na iba ang tatakbo sa Track, iba rin sa Road Race, ganun din sa Mountain Bike at BMX!”, ani PhilCycling Executive Director Jojo Villa.          

Dahil dito, mapupunta sa third at fourth finishers sa ITT na sina Irish Valenzuela (+12 secs.) at Reynaldo Navarro (+1:08) sa Unification Races na ito.

Show comments