MANILA, Philippines - Nagsimula uli ng psy war si Freddie Roach laban kay Antonio Margarito na siyang makakalaban ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 13.
Gaya sa mga naunang nakalaban ni Pacman, inihayag ni Roach na mapapatulog ni Pacquiao si Margarito sa labang balak gawin sa Mexico.
“Margarito has a good chin but a good punch? We don’t know,”wika ni Roach sa panayam ng 8countnews.
Hindi rin niya inaalala ang 5’11 taas ni Margarito dahil ang angking bilis ni Pacquiao ay siya niya uling sinansandalan upang manalo si Pacquiao.
Ikawalong titulo ang mapapasakamay ni Pacquiao kung mangibabaw kay Margarito dahil ang bakanteng WBC junior middleweight division ang nakataya sa labang itataguyod ng Top Rank.
“I don’t have problem with this fight. Margarito is a tough boxer but his ring generalship is poor,” tila pagmamaliit nito. “Manny will knock him out. We will knock him out,” tila paggagarantiya pa ni Roach.
Hindi naman ito unang pagkakataon na nagpahayag ng KO win si Roach dahil ganito rin ang ginawa niya kina Ricky Hatton at Miguel Cotto, mga matitikas na boksingero na parehong natulog sa kamao ni Pacquiao.
Samantala, nasa mga kamay ng California State Athletic Commission (CSAC) kung maitatakda ang laban nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa MGM Grand sa Las Vegas.
Matatandaang sinuspinde ng CSAC ang 32-anyos na Mexican fighter matapos mapatunayan na gumamit ito ng plaster-like substance sa kanyang hand wraps sa pakikipagharap kay Sugar Shane Mosley noong Enero ng 2009.
Natalo si Margarito kay Mosley via ninth-round TKO para sa World Boxing Association (WBA) welterweight crown.
Natapos na ang suspensyon ni Margarito noong Pebrero 11 ng 2010 at kailangan niya muling mag-apply ng boxing license sa CSAC, ayon sa Nevada State Athletic Commission (NSAC). At habang hindi binibigyan ng lisensya ng CSAC si Margarito ay hindi ito makakalaban sa Las Vegas.
Ayon kay NSAC director Keith Kizer, nagpunta na sa kanyang opisina ang legal counsel ni Margarito na si Atty. David Marroso para humiling ng isang ‘conditional’ one fight license.