MANILA, Philippines - Malaki ang tsansa ng mga local cue artists na mawalis ang mga gintong medalya sa men’s at women’s 8-ball at 9-ball singles ng 16th Asian Games sa Nobyembre 13-20 sa Games Town Gymnasium sa Guangzhou, China.
Ito ang prediksyon ni playing coach Efren “Bata” Reyes kaugnay sa paglalaro nina Francisco “Django Bustamante, Dennis Orcollo, Warren Kiamco, Rubilen Amit at Iris Ranola sa 2010 Guangzhou Asiad.
Ang 47-anyos na si Bustamante ang pinakahuling miyembro ng national team para sa quadrennial event matapos pagharian ang nakaraang 2010 World Pool sa Doha, Qatar kamakailan.
Makakatuwang ni Reyes sa 8-ball event si Roberto Gomez, samantalang sina Orcollo at Kiamco ang lalaro sa 9-ball class sa 2010 Guangzhou Asiad na sasabakan rin ng mga bigating pool players mula sa Chinese-Taipei, Japan at Singapore.
Si Bustamante ay magsisilbing reserved player ng national team, paglilinaw ni Reyes.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Marlon Manalo, Benjamin Guevara at Alvin Barbero (snooker singles and team), Rey Grandea at Barbero (English Billiards) at sina Grandea at Rodolofo “Boy Samson” Luat (Carom 3 Cushions singles). Ang iba pang nasa women’s squad ay sina Mary An Basas, Floriza Andal at Zemonette Oryan (Snooker 6 Red Ball singles and team).