MANILA, Philippines - Muling magbubukas ng telon ang National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities upang salubungin ang kanilang ika-sampung season sa Hulyo 30, Biyernes sa Rizal Memorial Stadium.
Tampok para sa opening ceremonies ng 10th season na may temang “Education through Sports” si Philippine Sports Commission Chairman Harry Angping bilang guest speaker. Inaabangan din sa pambungad na mga gawain ang pagpili ng Mister and Miss NAASCU na nagsisilbing highlight tuwing opening ceremonies.
Kabilang sa 12-schools na lalahok sa naturang collegiate event ay ang AMA Computer University, Centro Escolar University, Informatics International College, Lyceum of Subic Bay, New Era University, Pamantasan ng Lungsod ng Pasay, Saint Clare College of Caloocan, San Sebastian College- Recoletos de Cavite, STI College, University of Makati, University of Manila at ang baguhang Our Lady of Fatima University.
Para sa first semester ng taong ito, ang basketball ang pangunahing ibabandera ng NAASCU. Hangad ng SSC-R Baycats na madepensahan ang kanilang trono bilang men’s seniors titlists at ang ikatlong sunod na kampeyonato habang nais naman ng UM Hawks na makaulit sa Women’s at Junior’s Division.
“NAASCU has been a venue for athletes to get scholarships” saad ni NAASCU president Dr. Ernesto Jay “Dr. J” Adalem sa kanyang panayam sa lingguhang PSA Forum sa Shakey’s U.N. Avenue kahapon.
Bukod sa basketball na lalaruin, tampok naman sa ikalawang semester ang iba pang sport discipline gaya ng volleyball, badminton, table tennis, chess, taekwondo, swimming, track and field, cheerdance competition at billiards. Sa kauna-unahang pagkakataon din ay lalaruin sa NAASCU ang Olympic sport na handball.