MANILA, Philippines - Bagaman baguhan pa lamang, nagpakitang gilas na kaagad ang National University sa kanilang unang laro sa ikalawang conference ng Season 7 ng Shakey’s V-League ng kanilang payukuin ang College of St. Benilde sa limang sets, 25-15, 23-25, 25-23, 18-25 15-12 noong Linggo ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Kumana ng 25 kills at nagtapos ng mayroong 26 points si Mervic Mangui upang pangunahan ang Lady Bulldogs habang nagdagdag naman sila Maricar Nepomuceno at Elaine Sagun na may 20 at 16 hits upang ibigay sa mga taga-Sampaloc ang kanilang kauna-unahang panalo sa liga na iniisponsoran ng Shakey’s.
Sa kabila ng pagiging bagito ng NU sa primyadong volleyball league sa bansa, ipinakita nila ang tikas sa opensa at depensa sa kanilang tinipong 12 blocks laban sa tatlo lamang ng St. Benilde. Lima sa 12 na ito ay galing kay Nepomuceno.
Nagpamalas naman ng galing ang dating UST Tigress at guest player na si Denise Santiago sa kanyang 11 points kabilang ang tatlong blocks habang ang kanyang nakababatang kapatid at isa pang guest player na si Daphne Santiago ay tumapos ng may tatlong puntos.
Nagtala naman ng 18 hits si Giza Yumang upang tulungan ang Lady Blazers habang ang guest player na si Zhar Velez ay nag-ambag ng sampung puntos habang may pinagsamang 16 points naman sina Cindy Optana at Kara Agero.
Sumampa ang NU sa maagang liderato kasama ng San Sebastian at Ateneo na pawang pinagwagian sa loob ng tatlong sets ang kanilang opening games.