MANILA, Philippines - Bagamat hindi malayong maulit ang pagwalis sa kanila ng mga Aces sa best-of-seven semifinals series ng nakaraang PBA Philippine Cup, kumpiyansa pa rin ang Gin Kings na makakabalik sila sa quarterfinals series ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Ito ang sinabi kahapon ni Barangay Ginebra coach Jong Uichico sa panayam ni Snow Badua sa DZSR Sports Radio.
“We’re still confident. All we have to do is take things one by one,” sabi ni Uichico matapos ang 72-76 at 82-84 pagyukod ng Ginebra sa Games One at Two, ayon sa pagkakasunod, na nagbaon sa kanila sa 0-2 sa kanilang best-of-five quarterfinals series ng Alaska. “But we need to first win on Wednesday.”
Sakaling tuluyan nang mawalis ng Aces ang kanilang serye ng Gin Kings, sasagupain nila ang naghihintay na Talk ‘N Text Tropang Texters sa isang best-of-seven semis wars.
Ayon kay Uichico wala siyang nakikitang problema sa kanilang depensa.
“I think we’re holding our own on defense. It’s just that we’re not executing well on offense. We’re making bad decisions in the endgame and we’re losing our endgame poise unlike Alaska which is a very disciplined team,” wika ni Uichico.
Sa kanilang kabiguan sa Game One, apat na sunod na mintis ni Mark Caguioa sa huling dalawang minuto ng laro ang nagpatalo sa kanila, habang tumalbog ang tangkang three-point shot ni Sunday Salvacion sa pagtunog sa final buzzer sa Game Two.
Samantala, tinanghal namang Accel-PBA Press Corps Player of the Week si Alaska forward Joe Devance para sa linggo ng Hulyo 5 hanggang 11.
“Joe has been very quietly one of the keys to our success the last couple of years,” sabi ni Aces mentor Tim Cone sa 6-foot-7 southpaw na kanilang nakuha mula sa Welcoat (ngayon ay Rain or Shine) kapalit ni Solomon Mercado noong 2008.
Nagtala ang 28-anyos na si Devance ng mga averages na 17.0 points, 7.5 rebounds at 2.0 assists sa dalawang sunod na panalo ng Alaska sa Ginebra sa kanilang serye.