MANILA, Philippines - Masusukat ang husay ng Lhuillier Kwarta Padala-Cebu sa gaganaping hosting sa sixth leg ng Tournament of the Philippines (TOP) mula ngayon sa New Cebu Coliseum.
Makakasagupa ng Cebu ang malakas na koponan ng Misamis Oriental, Hobe Bihon-Taguig at Mandaue sa apat na araw na torneo.
Mahalaga sa Ninos ang makapagpakita ng maganda hindi lamang dahil sila ang punong-abala kungdi dahil may iniingatan silang 21-game winning streak na nagsimula ng kanilang walisin ang torneo sa Liga Pilipinas noong nakaraang taon.
Sumalang na rin ang koponan sa first leg at winalis ang torneo para makalikom din ng 15 puntos.
Unang makakasukatan ng Cebu ay ang Taguig dakong alas-7:20 ng gabi habang ang unang labanan ay sa pagitan ng Misamis Oriental at Mandaue City.
Bukod sa Hobe Bihon-Taguig City, ang isa pa sa magiging hadlang sa kampanya ng Cebu na madomina ang 5th leg ay ang fourth leg champion Misamis Oriental nina Gov. Oscar Moreno at coach Jun Noel.
Ang Misor Meteors ay babanderahan ng dating UAAP scoring champion na si Patrick Cabahug katulong sina Roel Hugnatan at Neil Raneses para sa kanilang panali.
Ang Taguig ay nagkampeon sa katatapos na 5th leg na itinaguyod ng Ascof Lagundi habang ang Meteors naman ang kampeon sa fourth leg na ginawa sa Mandaue.
Ibabandera ang tropa ni coach Yayoy Alcoseba nina Stephen Padilla, Bruce Dacia, Marlon Basco, Warren Ybañez at Mark Magsumbol para maipagpatuloy ang pagpapanalo at maselyuhan ang pagiging pambatong koponan para sa titulo sa liga.