MANILA, Philippines - Pipiliting ipakita ng UE na may lakas pa rin ang koponan kahit nawala ang mga key players sa pagbubukas ng 73rd UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Katipan ang Warriors ng UST sa tampok na laro dakong alas-4 at maghahangad din ng tropa ni coach Lawrence Chongson na mabigyan ng maganda ang panimulang kampanya sa hangaring makabalik uli sa finals ng torneo.
Ang bagong bihis na La Salle ay makikipag-unahan din sa unang panalo laban sa mas may karanasang UP sa unang sultada na magsisimula matapos ang makulay na opening ceremony ganap na ala-1 ng hapon.
Ang dating UE coach na si Dindo Pumaren ang hinugot ng La Salle upang makahalinhinan ang nakatatandang kapatid na si Franz at malaking hamon sa husay ng batang Pumaren ang nakaatang sa kanyang balikat.
Isang multi-titled team sa UAAP, ang Archers ay nasa rebounding program at aminado si Pumaren na mahihirapan sila at karanasan ang unang hangarin niya sa taong ito.
Mula sa di magandang 72nd season ay maganda naman ang pananaw ni coach Abboy Castro sa kanyang koponan dahil ang kanyang pambatong manlalaro sa pangunguna nina Woody Co at Martin Reyes ay nagkaroon ng winning attitude nang magkampeon ang kanilang koponan sa PBL.
Magbabalik ang kamador ng UE na sina Paul Lee at James Martinez pero wala na ang puwersa niya sa ilalim na sina Elmer Espiritu at Parri Llagas bukod pa kina Val Acuna at guard Rudy Lingganay.