MANILA, Philippines - Ang pagkaurong ng pagsubok upang mabasag ang kasalukuyang world record sa mga sunod sunod na exhibition matches ay itinuturing na pagpapala ni Grandmaster Jayson Gonzales.
“Mas may time pa ako para maging mas kondisyon,” ani Gonzales.
Susubukan ng two-time Olympian na basagin ang record na itinala ni Iranian GM Morteza Mahjoob sa Hulyo 31 hanggang Agosto 1 sa Ninoy Aquino Stadium.
Itinala ni Mahjoob ang record noong Agosto 13 noong nakaraang taon ng kanyang katunggaliin ang 500 kalaban sa Engelab Sports Complex sa Tehran.
80 percent ng mga participants ang minimum na kinakailangang maitala sa pinakamatinding pagsubok sa katawan at isipan.
“Stamina is critical in simultaneous exhibition. Kahit winning ka sa lahat ng boards kung kakapusin ka rin towards the end talo ka pa rin,” ani Gonzales. “When you’re tired prone ka sa blunder eh.”
Dalawang beses nagja-jogging at naglalakad ng apat na oras kada araw si Gonzales sa UP-Diliman upang ihanda ang kanyang katawan para sa pagsubok niyang kakaharapin.
Ang naunang nakatakdang subok ng bansa na basagin ang record na nakatakda sa Hulyo 10-11 ang naiatras dahil na rin sa mga ilang iregularidad sa venue.