MANILA, Philippines - Sa edad niyang 47-anyos, hindi na inaasahan ni Francisco “Django” Bustamante na muli siyang mabibigyan ng pagkakataong lumaban para sa World 8-Ball championship.
“Hindi ko talaga inaasahan na mananalo ako eh,” sabi ni Bustamante kahapon dalawang araw matapos pagharian ang bigating 2010 World Pool Championships sa Qatar Billiards and Snooker Federation hall sa Doha, Qatar. “Siyempre, kako itong edad kong 47, baka mahirapan na akong makakuha ng title.”
Ito ang kauna-unahang World Pool crown ng pambato ng Tarlac City matapos matalo kay American Earl “The Pearl” Strickland noong 2002.
Para sa 2010 World Pool title, tinalo ni Bustamante si Taiwanese “The Little Monster” Kuo Po-cheng, 13-7, upang ibulsa ang premyong $36,000 (P1.6 milyon).
Bago nakarating sa finals, iginupo muna ni Bustamante si Lining, 11-5, sa semifinal round upang maitakda ang kanilang titular showdown ni Kuo, nakalusot kay Johnny Archer ng United States, 11-10.
“Pagkatapos kong manalo kay Lining, alam ko na kaya ko si Kuo kasi hindi pa siya nanalo sa akin at alam kong bibigay siya sa laban namin dahil sa nerbiyos sa akin,” wika ni Bustamante.
Ito ang pang apat na korona ni Django sa taong ito. Pinangunahan ni Bustamante ang paghahari ng Team Asia sa Team Europe noong Enero 17 sa Brunei na tinawag na “Asia vs Europe Challenge Match” katulong sina Hall of Famer Efren “Bata” Reyes, Hui Chan Lu at Ko Pin-yi ng Taiwan at Teo Che Soon ng Brunei.
Noong Marso 21, binigo naman ni Bustamante si Reyes para sa titulo ng 23rd Annual Japan Open -Open Division sa Tokyo, Japan para sa top prize na US$ 16,000.
Pinagharian rin Bustamante ang inaugural World Professional Billiard League (WPBL) championships sa Winnipeg, Canada noong Hunyo na binansagang “Super Series of Billiards” sa Mc Phillips Station Casino kung saan niya giniba si Archer, 5-2, sa finals.