MANILA, Philippines - Sa posibleng hindi paglalaro ng mga key players dahilan ng mahirap na schedule, nais ng Nokia Under-18 National Team na maglaro para sa kanila si Fil-Am Ray Parks Jr. para sa darating na FIBA-Asia Junior Men’s Championship na idaraos sa Yemen ngayong darating na Setyembre.
Ayon kay RP Youth tactician Eric Altamirano, ang mga key players ng U-18 team na naglalaro sa UAAP, kabilang na si Kiefer Ravena, ay maaring hindi mapabilang sa gaganaping torneo sa Yemen dahil ito ay sasagasa sa mga krusyal na laro ng collegiate league na magsisimula sa July 10 at matatapos sa unang parte ng Oktubre.
“I hope he plays,” ani Altamirano sa anak ng ex-PBA import na si Bobby Parks na masisilayang maglaro para sa NU Bulldogs sa susunod na UAAP season.
Maliban kay Ravena na nagnanais na pamunuan ang Ateneo Eaglets sa ikatlo nitong sunod na kampeonato sa juniors division ng UAAP, kabilang din sila Ael Banal ng Ateneo, Gwayne Capacio ng La Salle Zobell, Kevin Ferrer at Cedric Labing-isa ng UST at Michael Tolomia ng FEU sa mga miyembro ng U-18 squad na maaring hindi makalahok sa naturang FIBA-Asia event.