Kapalaran ng Ginebra nakasalalay sa ROS; Coke

MANILA, Philippines - Kung may dapat mang gawin ang mga Gin Kings upang tuluyan nang masikwat ang ikatlo at huling outright quarterfinals berth, ito ay ang idalangin na ma­talo ang Tigers at Elasto Painters sa kanilang huling dalawang laro.

Kung parehong mananalo ang Coca-Cola at Rain or Shine sa kani­lang natitirang dalawang laban, magkikita sila sa isang playoff game para sa karapatang hamunin ang Barangay Ginebra sa nalalabing outright quarterfinals seat.

Tangan ng semifina­list Talk ‘N Text Tropang Tex­­ters ang 15-3 rekord ka­­sunod ang nagdedepensang San Miguel (12-5), Derby Ace (12-5), Alaska (11-6) Gin Kings (9-8), Tigers (7-9), Elasto Painters (7-9), Sta. Lucia (5-12), Air21 (4-13), Barako Coffee (3-14).

Tinapos ng Ginebra ang kanilang mga laro sa eliminasyon mula sa 83-101 kabiguan sa Derby Ace noong Miyerkules para sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan.

Nakatakdang sagupain ng Rain or Shine ang Air21 ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang sultada ng Coca-Cola at Sta. Lucia sa alas-7:30 ng gabi sa se­cond round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.

Magkikita ang Elasto Painters at ang Tigers sa Linggo para sa kanilang huling asignatura.

Kasalukuyang sumasakay ang Coke sa isang two-game winning streak na nagpalakas sa kani­lang tsansa sa quarterfinal round.

Hangad naman ng Express ni Yeng Guiao na tu­luyan nang makopo ang ikaapat at huling wildcard seat kasabay ng pagpapatalsik sa Coffee Masters ni Junel Baculi. 

Show comments