Pascua, Bernales humirit pa ng panalo

CHENNAI, India - Sa kabila ng pagkakasibak sa championship round, nakasulong pa rin ng mga panalo sina FM Haridas Pascua at Christy Lamiel Bernales sa se­venth round ng 2010 Asian Juniors boys and girls championships dito sa Vijay Park and Business Hotel.

Tinalo ni Pascua (ELO 2358) si No. 31 seed C.R. G. Krishna ng India sa naturang 74-player boys division para sa kanyang 4 wins, 1 draw at 2 losses.

Itinaas ng 17-anyos na estudyante ng University of Baguio sa 4.5 points ang kanyang kartada para makasalo sa 11th hanggang 21st places sa huling dalawang rounds.

Makakatapat ni Pascua sa eighth round si No. 6 seed Dhopane Swapnil ng India na tumalo kay Mohammad Hossein Shamsi ng Iran.

Iginupo naman ni Bernales si Shidhali Shetye ng India para sa kanyang ikalawang sunod na panalo sa girls division at pagandahin ang kanyang baraha sa 4.0 points sa likod ng 3 wins, 2 draws at 2 losses.

Show comments