MANILA, Philippines - Sa doubles na lamang magtatangkang kuminang ang mga Pinoy netters na sina Jeson Patrombon sa Francis Casey Alcantara sa idinadaos na AEGON Junior International --Roehampton 2010 sa London .
Ito’y matapos lumasap ng kabiguan sina Patrombon at Alcantara sa kanilang panimulang laro sa boy’s singles sa Grade I event na ito.
Napatalsik si Patrombon sa kamay ni US Nick Chappel sa 6-2, 7-5, straight sets na laro habang si Alcantara ay yumukod din sa straight sets na 6-1, 7-5, kay Hugo Dellien ng Bolivia .
Matapos ang kabiguan ay inaasahang ibubuhos ng dalawang Filipino netter ang husay sa doubles kapareha ang mga dayuhan.
Si Patrombon ay makakatambal si Barrett Franks ng New Zealand at hahangarin ng 17-anyos top junior netter ng bansa na mapantayan ang ginawang pagpasok sa finals sa Gerry Weber sa Germany noong nakaraang linggo.
Masusukat ang husay ng kanilang tambalan sa pagbangga kina Gregoire Barrere at Mathias Bourgue ng France sa first round.
Kung papalarin ay mas mabigat ang sunod nilang makakalaban dahil ang mananalo sa pagitan nina British wild card Liam Broady at Tom Farguharson at top seeds Duilio Beretta ng Peru at Roberto Quiroz ng Ecuador ang kanilang makakaharap.
Si Alcantara naman ay ipinarehas kay Oliver Golding ng Great Britian at unang makakalaban sina Chappel at Dane Webb ng USA.