MANILA, Philippines - Pagkakataon naman ngayon ng Pacman Gen-San Warriors na tumayong punong abala sa pangalawang leg ng Tournament of the Philippines ngayon sa Lagao Gym sa General Santos City.
Apat na koponan ang magtatagisan uli sa yugtong ito na ang hangarin ay madomina ang leg at makalikom ng mahalagang puntos na magagamit para mapaganda ang tsansang makaabante sa Playoff.
Ang Warriors na pag-aari ng Pambansang kamao na si Manny Pacquiao ay mapapalaban sa Treston-Laguna sa tampok na laro dakong alas-7:30 ng gabi.
Unang magtutuos ang Cobra Energy Drink laban sa Misamis Oriental ganap na alas-5 ng hapon matapos ang opening ceremony dakong alas-7 ng gabi.
Mapapasiya ang manonood ng GenSan dahil sa inaasahang paglalaro mismo ni Pacquiao,
Ang natatanging boksingero na may pitong world titles ay kababalik lamang sa bansa matapos ang panandaliang bakasyon sa US at Mexico at kasama nga siya sa official line up at ang kanyang uniporme ay may numerong 17.
Sina Marvin Yambao at Erian Daja ang siyang mamumuno sa Warriors laban sa Stallions na tumapos sa pangalong puwesto sa first leg na dinomina naman ng ML Kwarta Padala-Cebu.
Ipaparada naman ng Energy Kings ang matikas na line-up na binubuo ng mga manlalarong naglaro sa UE at kumampanya rin sa 1st ASEAN Basketball League sa pagharap sa MisOr.