MANILA, Philippines - Nagbaga ang mga batters ng nagdedepensang Batangas para mailista ang ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 9-3 tagumpay sa Pampanga sa pagpapatuloy kahapon ng Dunkin’ Donut Baseball Philippines Series VI kahapon sa Alabang Country Club sa Muntinlupa City.
Kumawala ng 11 hits ang Bulls batters at pinangunahan sila ni Justine Zialcita na humataw ng four hits sa limang at bat.
Naghatid din siya ng limang runs at dalawa nga rito ay ginawa sa pangalawang inning upang itulak ang Batangas sa 4-0 kalamangan na nagtiyak na ng tagumpay.
Maliban sa hitting ay ininda rin ng Sand Kings ang pitong errors na ginawa sa laro upang mabigo sa hangaring madugtungan ang impresibong 7-5 unang panalo na kinuha sa Manila nitong Sabado.
Nilimitahan din ng tatlong pitchers ng Bulls na sina Amber Plaza, Mark Ong at Romeo Jasmin sa anim na hits ang Pampanga upang malaglag sa 1-3 karta at malagay sa alanganin ang hangaring makaabante sa semis sa anim na team na liga.