MANILA, Philippines - Bibigyan buhay mula ngayon ang pagtatambal ng Philippine Basketball League at Liga Pilipinas sa paglarga ng Tournament of the Philippines sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang leg 1 ay katatampukan ng apat sa siyam na koponang kalahok sa TOP na isang transition project na ang ultimong adhikain ay pagsamahin na ng tuluyan ang PBL at Liga Pilipinas.
“Dahil magkaiba ang konsepto ng dalawang liga kaya’t kailangang daanin sa phase ang hakbang na susuungin bago tuluyang maganap ang merger. Ang TOP ang magbibigay pagkakataon sa dalawang liga upang makita kung paano pang mapapalakas ang pagsasanib ng PBL at Liga,” wika ni PBL chairman Ding Camua nang pangunahan ang pormal na paglulunsad ng torneo sa PSA Forum kahapon.
Nakasama ni Camua si PBL Executive Director Butch Maniego habang si Liga Pilipinas president Noli Eala at Perry Martinez ang kumakatawan sa kabilang liga.
“Halos lahat ng ibang detalye ay napag-uusapan na at naniniwala akong magkakaisa ang dalawang liga dahil ang layunin ng PBL at Liga ay para mapabuti ang Philippine basketball,” wika naman ni Eala.
Sa pangunguna ni PBA chairman Lito Alvarez ay nakumbinsi niya ang PBL at Liga na umupo at mapag-usapan ang pagsasanib puwersa upang matiyak na patuloy na tatakbo ang kanilang mga palaro.
“Wala akong nakikitang balikid at ikagaganda ito ng basketball sa bansa dahil mapagsasama ang lakas ng PBL na humakot ng mga mahuhusay na batang manlalaro at ang lakas ng Liga sa local crowd,” ani pa ni Eala.
Ang Ani Cultivators ang siyang unang host ng TOP at makakalaban nila ang kampeon ng Liga na Cebu Ninos sa tampok na laro ganap na alas-4 ng hapon.
Unang labanan ay sa pagitan ng Ascof Lagundi at Laguna ganap sa ala-1:30 ng hapon at matapos nito ay ang simpleng pagbubukas na kung saan inimbitahan bilang panauhing pandangal si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manuel V. Pangilinan.
Ang iba pang kasali ay ang Cobra Energy Drink na mula PBL habang ang Mandaue, General Santos City, Taguig at Misamis Oriental ang kukumpleto sa Liga teams.
Lahat ng teams ay magdaraos ng isang leg na magsisimula ng Miyerkules hanggang Sabado at ang mga posisyon ng pagtatapos ay may kaakibat na puntos para madetermina ang walong koponan na aabante sa playoffs.