Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy.
Well, para sa Air21 Express, ang prusisyon ay tumuloy kay Leroy Hickerson!
Sa wakas ay dumating si Hickerson at nakapaglaro para sa Expess noong Biyernes upang tulungan ang kanyang koponan na maungusan ang Coca-Cola Tigers,104-102. Bunga nito’y umakyat sa ikasiyam na puwesto ang Express sa record na 3-11. Nalampasan na nila ang Barako Coffee na bumagsak naman sa 2-12.
Sa mahabang panahon kasi sa torneo ay nangulelat ang Express at maraming nangamba na baka sila ang unang koponang ma-tsugi sa pagtatapos ng double round eliminations ng PBA Fiesta Conference.
Aba’y ang unang dalawang panalong naitala nila sa torneo ay kontra sa iisang koponan--ang Barako Coffee. At hirap na hirap pa sila bago nila naidispatsa ang kalabang ito na itinuturing na may pinakamahinang line-up.
Pero matapos ang panalo sa Tigers ay medyo naibsan ang pressure sa balikat ng Express at ni coach Joseller “Yeng” Guiao. Kasi, may one game lead sila sa Energy Coffee Masters. Para magtabla sila’y kailangang magwagi ng isang laro ang Barako Coffee at matalo sila nang minsan sa mga natitirang games.
So, ngayon ay nais na lang patatagin ng Express ang kanilang kinalalagyan at paghandaan na lang nila ang dalawang knockout game sa wild card phase. Hindi na rin kasi nila masusungkit ang isa sa tatlong automatic quarterfinals berths dahil hindi na sila aabot sa walong panalo.
Tuloy ay maraming nanghihinayang sa “late arrival” ni Hickerson.
Kasi, siya naman talaga ang original choice ng Air21. Dumating na siya sa bansa noon at nakasama pa nga ng Express sa ilang tune-up games. Kaso mo’y umuwi muna siya saglit sa Estados Unidos at doon ay nasangkot siya sa isang “vehicular accident” at nagtamo ng injury. Hindi tuloy siya nakabalik kaagad sa Pilipinas para nakasama ng Express sa simula ng Fiesta Conference.
Dahil dto’y kinuha ng Express si Keena Young na hinahalinhan ni Jason Forte na pinalitan din ni Reggie Larry.
Ang akala ng karamihan ay okay si Larry na dati ring prospect ng Purefoods Tender Juicy Giants (ngayo’y B-Meg DerbyAce) noong nakaraang season. Nakipag-ensayo na si Larry sa Purefoods pero nagtamo din itong injury at umuwi. Naging available ito at kinuha nga ng Express subalit hindi pa rin nagbago ang kanilang kapalaran.
At ngayon nga’y nandito na si Hickerson.
Ang 28-taong gulang na si Hickerson ay produkto ng Cumberland University sa Tennessee na naglaro sa Trans South Athletic Conference.
Huli siyang naglaro sa Atleticos de San German sa Puerto Rican league kung saan nag-average siya ng 20.1 puntos, 6.6 rebounds, 3.3 assists at1.1steals sa 23 games. Bago ito ay naglaro din siya sa Pioneros de Quintana Roo-Cancun sa Mexico noong 2009 kung saan nag-average siya ng 22.3 puntos, 5.3 rebounds, 3.4 assists at isang steal sa 52 games. Dito’y pinarangalan din siyang All-Mexican LNBP Player of the Year ng Latinbasket.com.
Well, huli man daw at magaling, sanay hindi huli ang lahat para sa Express! Hehehe!