MANILA, Philippines - Magpapakitang-gilas ang mga kasapi ng national bowling team sa paglahok nila sa 39th Philippine International Open Tenpin Bowling Championships sa Paeng’s Midtown Bowl sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Ang kompetisyon ay gagawin mula Hunyo 5 hanggang 20 at lalahukan din ng walong dayuhang bansa upang magamit din ng nag-oorganisa na Philippine Bowling Congress (PBC) bilang batayan kung sino ang puwedeng kumatawan sa national team na lalaban sa Asian Games sa Guangzhou, China.
Ang mga bisitang bansa na kasali ay ang Malaysia, Hong Kong, Qatar, Japan, Pakistan, United Arab Emirates, Singapore at Pakistan.
“Magagamit natin itong basehan para sa Asian Games dahil ang mga kasali rito ay siya ring mga bansa na maglalaro sa Guangzhou,” wika ni Bong Coo, ang secretary-general ng PBC.
Si Raoul Miranda ang kampeon sa men’s masters habang ang Malaysian na si Fatin Syazliana ng Malaysia ang sa women’s masters at ang dalawa ay kasali sa dalawang linggong torneo.
Sina national players Biboy Rivera at Chester King ang mga palaban pa sa kalalakihan habang si Liza Del Rosario naman ang mamumuno sa kababaihan.
Aabot sa P2 milyon ang premyong inilalagay sa kompetisyon at ang mananalo sa kalalakihan ay magbibitbit ng P250,000 habang P100,000 naman ang mapupunta sa magkakampeon sa kababaihan.
Ang manlalarong makakagawa naman ng perfect game ay mabibiyayaan ng P50,000.