Tila tuluyang naisa-isang tabi na ng Sta. Lucia Realty ang dati’y ipinagmamalaki nitong prinsipyong “99 percent homegrown talent.”
Magugunitang noong 2006-07 season ay gumawa ng exception ang Realtors nang kunin nila bilang top pick ng Draft ang Fil-American na si Kelly Williams na siyang pinakamahusay na talent sa amateur pool. Puwede sanang panatiliin ng Realtors ang prinsipyo nito sa pamamagitan ng pagkuha kay Arwind Santos subalit napakahirap namang pakawalan si Williams.
Nang sumunod na season ay kinuha naman ng Realtors sa Draft si Ryan Reyes na bagamat pure Pinoy ay lumaki sa Estados Unidos.
Nagbunga ng maganda ang pagkuha ng Sta. Lucia kina Williams at Reyes dahil sa napanalunan nila ang ikalawang kampeonato sa prangkisa nang mamayagpag sila sa 2007-08 Philippine Cup.
Kamakailan ay ipinamigay ng Sta. Lucia Realty sa Talk N Text sina Williams at Reyes kasama ang rookie na si Charles Waters (na bayaw ni Williams) kapalit sina Ali Peek, Nic Belasco at Pong Escobal. At noong Biyernes ay kinuha naman ng Realtors buhat sa Coca-Cola si Chris Ross kapalit ni Paolo Mendoza na isa sa nalalabing dalawang manlalarong nagwagi ng dalawang titulo sa Sta.Lucia. Ang isa’y si Marlou Aquino.
Aba’y tila ibang-iba na ang mukha ng Sta. Lucia ngayon!
At marami nga ang nagugulat sa direksyong tinatahak ng Sta. Lucia.
Kasi nga’y nagsasama-sama ngayon sa kanilang poder sina Peek, Belasco at Ross na hindi mga homegrown talents.
Sa totoo lang, okay naman ang development na ito para sa Sta. Lucia. Kasi nga’y wala na silang restrictions sa pagkuha ng players. At Pinoy din naman ang mga kinukuha nila pero sa ibang bansa lang lumaki.
Kumbaga, sa mga susunod na Draft, tiyak na kukunin ng Sta. Lucia ang “best possible talent” available” kesyo homegrown o foreign-bred ito. Na siya namang dapat para sa isang professional basketball team.
Kung yun ngang mga koponan sa National Basketball Association (NBA) ay kumukuha ng mga foreigners (hindi mga Amerikano), tayo pa kaya? E, mga half-Filipinos naman ang kinukuha natin, so walang problema dun.
Medyo masama nga lang ang timing ng Sta. Lucia. Patapos na ang season na ito. Ikalawa’y patapos na rin ang careers nina Peek at Belasco na hindi naman bumabata. Katunayan, kaunti na nga lang ang playing time nila sa Talk N Text bago sila naipamigay. Para nga’ng bubuhayin o patatagalin lang ng sandali ng Sta. Lucia ang kanilang mga careers.
At si Ross?
Well, isa itong rookie. Kumbaga’y malaki ang potential nito lalo’t isiping dating Most Valuable Player ito sa Philippine Basketball League.
Pero mapapaisip ka, e. Bakit ipamimigay ng Coca-Cola ang isang promising rookie sa Sta. Lucia kapalit ng isang ten-year veteran na tila patapos na rin ang career?
Sana’y tama ang naging desisyon ng Sta. Lucia Realty.