DOHA, Qatar - Isang 6-foot-10 Siberian center at isang Fil-American guard ang ipaparada ng Smart Gilas Pilipinas para sa 21st FIBA-Asia Champions Cup dito sa Al Gharafa Stadium.
Ibabandera ng Smart Gilas sina Siberian import Milan Vucicevic at Fil-Am Chris Lutz sa kanilang pagsagupa sa Al Rayyan ng Qatar.
“It’s really exciting, it’s definitely a great experience for me, playing for flag and country and in a different country,” wika ng 25-anyos na si Lutz, isang Business Management graduate. “I’m looking forward to getting on the court.”
Ang 6’4 na si Lutz, may mga averages na 8.7 points, 1.9 rebounds, 1.5 assists at1.0 steal para sa Marshal University Thundering Herd sa nakaraang US NCAA season, ang siyang sasalo sa maiiwang trabaho ng mga may injury na sina JV Casio, JR Cawaling at Fil-Am Marcio Lassiter.
Nanggaling ang Al Rayyan sa isang 88-66 paggupo sa Duhok ng Iraq sa Group A preliminary match kung saan tumipa sina American imports Michael Fey at Cory Bradford ng 20 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Binuksan naman ng nagdedepensang Mahram ng Iran ang kanilang title-retention bid nang ilampaso ang Astana Tigers ng Kazakhstan, 77-49, na tinampukan ng 19 puntos, 8 boards at 5 assists ni Jackson Vroman.
Umiskor rin ng panalo ang Al Riyadi ng Lebanon makaraang talunin ang Al Jalaa ng Syria, 87-77.
Binigo naman ng Saudi Arabia ang Al Nasr ng United Arab Emirates, 77-69.
Makakasagupa ng Smart Gilas ang Astana Tigers ng Kazakhstan sa Lunes kasunod ang Mahram ng Iran sa Martes at ang Duhok ng Iraq sa Miyerkules para kumpletuhin ang kanilang mga laban sa Group A.
Nasa Group B ang Al Riyadi ng Lebanon, ASU ng Jordan, Al Jalaa ng Syria, Al Hilal ng Saudi Arabia at Al Nasr ng United Arab Emirates.