MANILA, Philippines - Nakahugot ng double-double figures kay Mark Pingris, sumalo ang Llamados sa Gin Kings para sa ikatlong puwesto.
Nagposte ang 6-foot-5 na si Pingris ng 12 puntos at 11 rebounds para pagbidahan ang 104-91 tagumpay ng Derby Ace sa bumubulusok na Coca-Cola sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
“Malaking bagay sa amin ang panalong ito, sunud-sunod na kasi ‘yung mga laro,” sabi ni Pingris sa Llamados. “Lumalaban talaga kami para maganda ang record namin sa standings”.
May 7-4 baraha ngayon ang Derby Ace kagaya ng Barangay Ginebra sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (10-1) at Talk ‘N Text (8-2), Alaska (6-5), Rain or Shine (5-5), Sta. Lucia (4-6), Coke (4-8), Barako Coffee (2-9) at Air21 (1-10).
Nalasap ng Tigers ang kanilang pang walong sunod na kamalasan.
Matapos kunin ng Coke ang isang 11-point lead, 29-18, sa first period mula kina import Rashad Bell at Gary David, sumandal naman ng Derby Ace kina Pingris, James Yap, PJ Simon, Roger Yap at import Cliff Brown para makadikit sa pagtatapos ng first half, 39-41.
Mula rito, umarangkada ang Llamados sa pag-agaw sa third quarter, 77-67, kasunod ang maikling 6-0 atake ng Tigers para sa kanilang 73-77 agwat sa 11:12 ng fourth quarter.
Isang 16-7 bomba ang inihulog ng Derby Ace, tampok rito ang dalawang three-point shots ni Simon at isa kay James Yap, para sa paglilista ng isang 13-point advantage, 93-80, sa 5:43 nito.
Pinangunahan nina Brown, Roger Yap, Simon at James Yap ang Llamados mula sa kanilang 18, 16, 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
B- Meg Derby Ace 104 - Brown 18, Yap R. 16, Simon 15, Yap J. 14, Canaleta 12, Pingris 12, Artadi 9, Salvador 4, Reavis 4, Maierhofer 0, Allado 0.
Coke 91 - Bell 28, David 26, Gonzales 11, Espino 10, Taulava 5, Mendoza 5, Cruz 4, Rizada 2, Allera 0, Macapagal 0, Calimag 0, Singson 0.
Quarterscores: 18-29, 39-41, 77-67, 104-91.