MANILA, Philippines - Kung hindi mapipigil ang kanyang mainit na paglalaro ay hindi malayong hirangin si Aiza Maizo sa kanyang pangalawang sunod na Most Valuable Player title.
Sa idinadaos na MVP race sa Shakey’s V-League Season 7, si Maizo ang natatanging local player na palaban sa pinakaprestihiyosong parangal sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at handog ng PLDT myDSL.
Ang mga nangunguna sa karera ay tatlong Thai imports na sina Porntip Santrong ng Lyceum, Jeng Bualee at Sontaya Keawbundit.
Si Santrong ay may 185 puntos kasunod sina Bualee na mayroong 178 at Keawbundit na may 162.
May 154 puntos si Maizo para pumang-apat habang nasa ikalimang puwesto si Joy Cases ng Lyceum na may 137 puntos.
Pero dahil hindi nakarating sa Finals ang Lyceum at Ateneo, mas tumibay ang hangarin ni Maizo na makadalawang sunod sa pagiging MVP ng ligang suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.
Kinatampukan ang solidong paglalaro ni Maizo sa ibinigay na 43.26 percent sa spike success at nangungunang blocker sa 0.79 average kada set.
Nangungunang top spiker si Suzanne Roces ng San Sebastian sa 46.48 percent habang ang iba pang nangunguna sa statistics ay sina Nikki Tabafund ng Lyceum sa 0.65 service average per set, Lizlee Ann Gata na libero ng Adamson sa 5.41 digs average per set at 49.55 percent reception efficiency at Des Patilano ng Adamson sa 13.77 setting average per set.
Si Maizo na nanguna sa Lady Tigresses na bumangon buhat sa 0-1 pagkakalubog sa best-of-three semifinals series laban sa Lyceum, ang pambato ng koponan sa pagharap nila sa San Sebastian sa best of three finals na sisimulan bukas.
Kung maisasakatuparan ang magkampeon sa torneo, ang UST ay makakatabla ang La Salle na may tatlong sunod na titulo na nangyari sa Lady Archers noong 2004 hanggang 2006.
Si Bualee ang ipantatapat naman ng Baste na hanap na maipaghiganti ang tinamong kabiguan sa UST sa nasabing conference noong 2009.
Puntirya rin ng Thai import na makuha ang ikalawang MVP title matapos tulungan ang Lady Stags na magkampeon noong 2007 first conference.