MANILA, Philippines - Ang kinayod na 35 produksyon ng Elasto Painters sa kabuuan ng third period ay hindi nakayanan pa ng Coffee Masters.
Nakahugot ng limang three-point shots mula kina Jay-R Reyes, TY Tang, Gabe Norwood at Ryan Arana sa third quarter para sa kanilang 35 puntos, iginupo ng Rain or Shine ang Barako Coffee, 100-78, sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Humakot ang 6-foot-7 na si Reyes ng 23 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Elasto Painters kasunod ang 16 marka ni import Jai Lewis, 13 ni Jeffrey Chan, 12 ni Arana at 11 ni Norwood.
Itinaas ng Rain or Shine 5-5 ang kanilang baraha sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (9-1), Talk ‘N Text (8-2), Alaska (6-4), Barangay Ginebra (6-4) at Derby Ace (6-4) kasunod ang Sta. Lucia (4-6), Coca-Cola (4-7), Barako Coffee (2-9) at Air21 (1-9).
Matapos kunin ng Coffee Masters ang first period, 21-20, pinamunuan naman nina Reyes, Chan, Arana at Norwood ang pagbabalik ng Asian Coatings franchise upang angkinin ang first half, 41-36.
Isang 13-4 atake ang inilunsad nina Reyes, Arana, Tang, Norwood at Lewis para ibigay sa Rain or Shine ang isang 14-point lead sa 8:11 ng third quarter patungo sa kanilang 22-point advantage, 72-50, sa 3:12 nito.
Nilimita ng koponan ni coach Caloy Garcia ang Barako Coffee ni mentor Junel Baculi, hindi ginamit si import Sammy Monroe sa kabuuan ng final canto, sa 20 produksyon sa third period.
Tuluyan nang sinelyuhan ng Elasto Painters, nagmula sa 73-82 kabiguan sa Aces noong Mayo 14, nang isalpak ni Don Dulay ang kanyang ikalawang sunod na tres, 100-78, sa huling 1:44 ng payoff period.
Samantala, magtatapat naman ang Ginebra at Alaska, parehong nasa isang two-game winning run, ngayong alas-5 ng hapon sa Cebu City Coliseum.
Nanggaling naman ang Aces sa isang 108-98 tagumpay sa Tigers noong Mayo 19.
Rain or Shine 100--Reyes 23, Lewis 16, Chan 13, Arana 12, Norwood 11, Cruz 6, Dulay 6, Arellano 3, Laure 2, Ibanes 0, Salangsang 0, Telan 0.
Barako 78--Monroe 12, Alonzo 11, Duncil 10, Gaco 9, Najorda 9, Vergara 6, Isip 6, Coronel 5, Reyes 4, Dimaunahan 2, Wainwright 2, Juntilla 1.
Quarterscores: 20-21, 41-36, 76-56, 100-78.