MANILA, Philippines - Hindi siya tatawaging “Pinoy Superman” kung hindi niya nagagawa ang mga imposibleng bagay.
Tinalo ni Roberto Gomez si Hall of Famer Efren “Bata” Reyes, 9-6, sa ginaganap na 2010 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Kumawala si Gomez mula sa 6-6 pagkakatabla kay Reyes upang angkinin ang sumunod na tatlong racks patungo sa kanyang malaking panalo.
Nauna nang tinalo ni Gomez si Imrad Majid ng Great Britain, 9-2, sa first round bago iginupo si Reyes upang itakda ang kanilang paghaharap ni American Jason Klatt, pinayukod ang mga kababayang sina Andrew Pettenger, 9-8, at Johnny Archer, 9-4.
Madali namang nailigpit ni Francisco “Django” Bustamante si Japanese Toru Kuribayashi, 9-2, para sa kanyang ikalawang sunod na panalo.
Makakatapat ni Bustamante si Edwin Montal, tinalo si 1996 US Open 9-ball ruler John Schmidt, 9-8, sa third round.
Tumumbok rin ng mga panalo sina Lee Vann “The Slayer” Corteza, Dennis “Robocop” Orcullo, Ronato “Volcano” Alcano, Warren “Warrior” Kiamco at Lapena.
Ginitla ni Cortez si Chris Bartram ng United States, 9-5; sinorpresa ni Orcullo si John Morra ng Canada, 9-3; winalis ni Alcano si Glenn Atwell ng USA, 9-0; tinalo ni Kiamco si Huidje See ng the Netherlands, 9-2; at pinahiya ni Lapena si Tommy Najar ng US, 9-1.