PSN Fun Run dinomina ng Kenyan; Barcena nakasingit

MANILA, Philippines - Muling lumabas ang ka­husayan ng mga Ken­yan runners nang kunin nila ang una at ikatlong pu­westo sa kalalakihan sa idinaos na Pilipino Star NGAYON Fun Run For A Cause kahapon sa Mall Of Asia sa Pasay City.

Umabot sa 2,227 mananakbo ang tumugon sa karera na ang layunin ay ma­tulungan makumpuni ang San Isidro Elementary School sa Naguillan, La Union matapos maapektuhan ng bagyong Pepeng noong nakaraang taon.

“Sa takbong ito, tayong lahat ang panalo dahil ang patakbong ito ay isang run for a cause. Sa bawat sulong natin ay nakakatulong tayo sa ating pangangata­wan pero higit dito ay ma­kakatulong tayo na ma­kapag-donate upang makatulong sa iba,” wika ni PSN editor-in-chief Al Pedroche.

Kinatawan naman ni Elvira Rimando, head tea­cher ng San Isidro Ele­mentary School ang bibigyan ng tulong ng patak­bong ito.

Ngunit dahil may kompetisyon, may mga taong mananalo at ang mga Ken­yans ang nakapagpa­sikat nang kunin ni Antho­ny Kosgei Cheptoo ang ta­gumpay nang mahigitan ang bilis na taglay ng pambato ng bansa na si Alley Qui­say sa 10k division.

Naorasan ang Ken­yans ng tiyempong 30.31 habang si Quisay ay nag­lista naman ng 30.35

Pumangatlo pa si Willi Tanui, ang kampeon ng Cebu Marathon para malagyan ng tuldok ang husay ng mga banyagang kalahok sa pagposte ng oras na 30.37

Ang titulo sa kababaihan naman ay pinalad na napagwagian ni Nhe-Ann Barcena nang maligaw patungo sa finish line ang mga naunang sina Aileen Tolentino at Maricel Maquilan para malagay sa ikalawa at ikatlong puwesto.

Tinawid ni Barcena ang finish line sa pagsu­mite ng oras na 38:00

Halagang P10,000, P7000 at P5000 ang napa­sakamay ng nangu­nang tatlong runners sa magkabilang dibisyon sa patakbong suportado rin ng Globe, SM Mall Of Asia, Pilipino Star Prin­ting, The Philippine Star, Western Ink, The Real Bank, Wheat Grass, Micro­tel Hotels & Resorts, San Mig Coffee, Top Nine, Premier Adhesive, Nestle Milo, Pan Pacific Manila, Diamond Hotel, ROX at Chris Sports.

May idinaos ding kom­petisyon sa 5k at 3k na dis­tansya at ang mga nagsipanalo rito ay sina Mervin Guarte sa kalalakihan at Luisa Raterte sa kababaihan at Michael Bacong sa kalalakihan at Serenata Saluan sa kababaihan, ayon sa pagkakasunod.

Ang karerang ito ay isi­nagawa katuwang din ang media partners na PM, Freeman at Banat.

Show comments