MANILA, Philippines - Nalusutan ni Dennis Orcollo ang hamon ni Australian lady cue artist Jasmin Ouschan upang makausad sa knockout stage sa 2010 Party Poker World Pool Masters na ginagawa sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Hindi nga nagpabaya si Orcollo laban kay Ouschan upang kunin ang dominanteng 9-4 tagumpay para madomina ang loser’s bracket sa Group 5.
Nauna rito ay kumuha muna ng 9-1 panalo si Orcollo na manlalaro ng Bugsy Promotion, laban kay Shaun Wilkie ng USA ngunit yumukod siya kay Marcus Chamat ng Sweden, 9-8, para malaglag sa loser’s bracket.
Si Orcollo ang ikalawa at huling Filipino player na nananatiling nasa kontensyon sa torneong naglaan ng $100,000 gantimpala at ang tatanghaling kampeon nga ay magbibitbit ng $20,000.
Si Lee Van Corteza na noong nakaraang linggo ay naghari sa 1st Annual Hard Times-Mezz Cues 10-ball Open ay minalas na matalo kay Jayson Shaw ng US, 9-3, para mamaalam sa Group 6.
Si Shaw ang ikalawang sunod na US player na nakaharap ni Corteza at ang una ay si John Schmidt na nakaungos sa 9-8 iskor para maitulak ang pambato ng Pilipinas sa loser’s group.
Bago ang magkadikit na kabiguang ito ay kumuha muna ng 9-2 panalo si Corteza kay Carlo Cabello ng Spain.
Si Roberto Gomez ang unang Pinoy na nasa last 32 matapos maipanalo ang dalawang laro sa winner’s bracket sa Group 2 laban kina Earl Strickland, 9-5 at Huidje See, 9-8.
Magbubukas ang aksyon sa Last 32 ngayon at si Orcollo ay makakaharap uli si Chamat habang si Gomez ay makikipagtuos uli kay See.