Angping irerekomenda ni Peping kay Noynoy na patalsikin agad

MANILA, Philippines - Walang dudang nasa mga mata ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang agarang pagpapatalsik kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping.

Sa lingguhang “POC on Air” sa DZSR Sports Radio kahapon, sinabi ni Cojuangco na irerekomenda niya sa kanyang pamangkin na si President-elect Be­nigno “Noynoy” Aquino III ang paghahanap ng bagong PSC chief.

Kasabay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, iiwanan na rin ni Angping ang kanyang posisyon sa sports commission sa Hunyo 30.

Mula nang iluklok ni Presidente Arroyo si Angping sa komisyon noong Enero ng 2009 ay hindi na nilubayan ni Cojuangco ang dating Manila Representative ukol sa programa at patakaran nito.

Kabilang sa mga na­sa listahan umano ni Co­juangco na kanyang ire­re­komenda kay Aquino ay sina Mark Joseph ng swimming, Manny Lopez ng boxing at Robert “Dudot” Jaworski Jr.

Si Joseph, inirereklamo ng mga magulang ng age-group swimmers, ay ang incumbent POC deputy secretary-general, habang si Lopez ang kasalukuyang POC first vice-president at si Jaworski naman ay ang asawa ng anak ni Cojuang­co na si Mikee.

Maaari ring irekomenda ni Cojuangco si dating PSC chairman William “Butch” Ramirez na kanyang naka­tuwang sa paggiya sa Team Philippines sa pagiging overall champion sa 23rd Southeast Asian Ga­mes noong 2005. 

Show comments