MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga kondisyon na ipinukol ni Floyd Mayweather Jr. ang naglalagay sa alanganin sa hangaring magkasukatan ang walang talong US boxer at ang Pambansang kamao Manny Pacquiao.
Nakisama na rin si WBC junior welterweight at middleweight champion Sergio Martinez sa posibleng pumigil sa inaasahang mega-fight sa pagitan ng dalawang hinirang na pound for pound champion.
Sa panayam ni Mike Juhas ng Fighthype, sinabi ni Martinez ang kahandaan na labanan si Mayweather bago matapos ang taong 2010.
Magaganap ang labang ito matapos ihayag ni Kelly Pavlik na hindi na siya interesadong gamitin pa ang rematch clause na kaakibat ng magkita sila ni Martinez nitong Abril 17.
Si Pavlik ang inagawan ng WBC at WBO middleweight title ng tubong Argentina na si Martinez matapos iukit ang unanimous decision na panalo.
“Now that Pavlik is not exercising his rematch clause, I’m open to whomever HBO desires. I would love the challenge of fighting Mayweather next,” wika ni Martinez.
Tiyak namang hindi tututol ang HBO sa laban kontra kay Mayweather lalo nga’t kilala ang US boxer sa kanyang kakayahan na humatak ng manonood.
Sa huling laban nito kontra kay Sugar Shane Mosley ay pumalo sa $1.4 million ang Pay Per View buys ng laban upang mapantayan ang pagtatapat nina Oscar De La Hoya at Felix Trinidad noong 1999 upang malagay sa pangalawang puwesto sa pinakamataas na kinita sa PPV sa laban na idinaos sa labas ng heavyweight division.
Bukas si Martinez na harapin si Mayweather mula sa 154 hanggang sa 160 pounds at hahayaan niya ang huli na mamili kung anong dibisyon sila maglalaban.
Hinihingi ng mahihilig sa boxing na magkatapat sina Mayweather at Pacquiao upang malaman kung sino ang tunay na pound for pound champion.
Bagamat gusto din ni Mayweather na makaharap si Pacquiao, kailangan naman munang sumailalim sa randon blood testing ang Pambansang kamao bagay na hindi gustong gawin ni Pacquiao.