MANILA, Philippines - Matibay ang junior tennis program ng bansa.
Ito ang napatunayan nang kuminang ang ilang batang manlalaro ng bansa na sumali sa Asia/Oceania World Junior Tennis final qualifyer sa Anquing, China kamakailan.
Isa nga sa nagpasikat ay ang 14-anyos na si Jurence Mendoza na nanalo sa kanyang tatlong singles match pero hindi natapatan ang kanyang husay ng ibang kasamahan upang mabigo pa rin ang Pilipinas na magkaroon ng mas magandang puwesto.
Tinalo ni Mendoza si Colin Wong ng Malaysia, 6-3, 6-2; Rohan Kamdar ng Singapore, 6-4, 6-3; at Sharmai Dissanakaye ng Sri Lanka, 4-6, 6-4, 6-2.
Nakasama nito sa koponan sina Betto Orendain at Kyle Parpan na kanyang nakatulong nang talunin nila ang Malaysia upang hindi mangulelat sa torneo.
Tinalo ni Orendain si Ahmed Shamsuddin, 6-3, 6-1, sa isa pang singles match bago nakipagtambalan kay Parpan sa kinuhang 6-1, 6-3, panalo kontra kina Shamsuddin at Zhe Han Low at makumpleto ang 3-0 sweep sa Malaysia.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay winalis ng Chinese Taipei at Korea at natalo sa Singapore at Sri Lanka sa 2-1 iskor.
Ang kompetisyon ay kinatampukan ng 16 na bansa at ang Sri Lanka, Syria at Pilipinas ay bumagsak sa pre-qualifying tournament sa 2011 upang makabalik sa nasabing grupo.