MANILA, Philippines - Nagbayad ng husto si Francis Casey Alcantara sa di magandang ipinakita sa mga nagdaang kompetisyon matapos itong malaglag sa top 50 sa ITF rankings.
Nanlamig sa mga huling sinalihang torneo, nakita ni Alcantara, na dating number one junior player ng bansa, na malaglag sa 51st ranking sa huling talaan na ipinalabas ng International Tennis Federation nitong Mayo 3.
Si Alcantara ay nagkaroon ng kabuuang 412.5 puntos at nakasalo si Taro Daniel ng Japan na siyang nakakuha ng ika-50 puwesto.
Mahalaga sa isang junior netter na mapasama sa top 50 hanggang sa katapusan ng buwang kasalukuyan dahil ang mga manlalarong pasok sa unang 50 rankings ang puwedeng maimbitahan bilang wild card sa 1st Youth Olympic Games.
Bunga nito ay kailangang mapanumbalik ni Alcantara ang tikas ng paglalaro sa pagkampanya sa Europe kasama na ang planong pagsali sa Italian at French Open na kung saan kailangan niyang dumaan muna sa qualifying draw upang mapasama sa main draw ng dalawang kompetisyon.
Si Jeson Patrombon na naglaro sa apat na Grade I tournament at dalawang beses na nakapasok sa finals sa kompetisyon sa Japan ang siyang lumabas na pinakamahusay na junior netter ngayon sa kanyang 49th ranking sa nalikom na 415 puntos.
Nasa Italy si Patrombon para lumahok sa Citta de Santa Croce na isang Grade I ITF event na gagawin sa clay court.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaro ang 17-anyos na si Patrombon sa clay court ngunit tiwala si coach Manny Tecson na may ibubuga ang kanyang alaga.
“We had a good practice session and I believe we can pull some surprises here and our first objective is to get our first win on clay court to boost his confidence,” wika ni Tecson na isinailalim din si Patrombon sa flexibility training para makaiwas sa mga injuries.
Ang kompetisyon ay itinakda mula Mayo 10 hanggang 16 at magagamit ni Patrombon ito bilang kanyang tune-up bago asintahin ang paglahok sa Italian at French Open na kung saan pasok na siya sa main draw dala ng kanyang kasalukuyang ranking.