MANILA, Philippines - Umabante si Tamitha Nguyen sa quarterfinal round ng First Gen Juntaphil Metro Age Group Tennis Championships makaraang talunin si Alexis Oquendo, 6-0, 6-1, sa 16-under division sa Olivarez Tennis Center’s hard court sa Sucat.
Ang panalo ang nagtakda sa laban ng top-seeded na si Nguyen, anak ni dating national player Edna Olivarez, kay No. 8 Joana Carnay na bumigo kay Nicole Eugenio, 6-2, 4-6 (10-6), sa nasabing Group I tournament na inihahandog ng First Gen Corporation at suportado ng Smart Communications.
Tumatayo ring No. 1 ranked si Nguyen, isa sa mga top junior netters ng bansa, sa 18-under class at nakatakda niyang makasagupa si Louise Lopez sa quarterfinals ng premier division.
Ang iba pang tumatarget ng semis spots sa event na inorganisa ng Juntaphil katuwang ang Pet One, RCBC, Sole Footbeds at Pepsi ay sina No. 4 Jasmine Tan Ho, Akiko de Guzman, Eugenio, Shannin Olivarez, Macy Gonzale at Rudas.