MANILA, Philippines - Apat na bagay ang binanggit ni Chief Justice Reynato Puno na naging sandata ng unang grupo ng mga atleta at koponan na iniluklok sa 2010 Philippine Sports Hall of Fame kamakalawa ng gabi sa Maynila Hall ng Manila Hotel.
“Discipline, teamwork, sportsmanship and a never say die attitude just as these four virtues have shown success for our country’s greatest athletes so can they drive our country triumphantly to higher development and progress,” ani Puno sa kanyang 15-minute speech.
Ayon kay Puno, ang mga bagay na ito ang siyang makakatulong sa bawat Filipino para sa pagkakaroon ng malakas na republika.
“It is thus necessary and crucial to integrate these values into our efforts of building our nation,” wika ni Puno.
Ang mga iniluklok ay sina boxing greats Gabriel “Flash” Elorde, Francisco “Pancho Villa” Guilledo at Ceferino Garcia at Olympic heroes Jose “Cely” Villanueva at ang anak nitong si Anthony, sina Teofilo Yldefonso, Simeon Toribio, Miguel White at Caloy Loyzaga at ang national cagers na tumapos na ikatlo sa World Championship sa Rio de Janeiro, Brazil.
Dumalo ang tatlong miyembro ng basketball team na sina Antonio Genato, Florentino Bautista at Napoleon Flores.
Inorganisa nina Philippine Sports Commission chairman Harry Angping at Art Macapagal ng Philippine Olympians Association ang Hall of Fame awards mula sa Republic Act 8757 na inakda nina Sen. Robert Jaworski at Cebu Rep. Eduardo Gullas at naging batas noong Nobyembre ng 1999.
Sinabi pa ni Puno na ang mga sports heroes na iniluklok ay magsisilbing inspirasyon sa mga batang atleta na magpursige sa kani-kanilang larangan.