MANILA, Philippines - Ayaw pa ni Bob Arum na magsalita sa hinaharap sa boxing career ni Manny Pacquiao.
Si Arum ng Top Rank ay nakatakdang bumisita sa bansa para kamustahin at silipin ang pangangampanya ni Pacquiao sa hangaring manalo sa pagka-Kongresista ng Sarangani.
Ayon pa kay Arum, wala siyang maibigay na detalye sa plano ni Pacquiao partikular na ang ninanais na pakikipagharap nito kay Floyd Mayweather Jr.
“I can’t talk about Pacquiao and his future because, right now, all Manny cares about is his political career. And the outcome on that is up in the air,” wika ni Arum sa panayam ng Doghouseboxing.com.
Klinaro din niya na ang gagawing pagbisita sa bansa ay magiging simple at maaring hindi niya banggitin kay Pacquiao ang anumang bagay tungkol kay Mayweather.
Pero ayon kay Freddie Roach, pupunta si Arum upang maramdaman ngayon ang pulso ni Pacquiao sa mega fight nila ni Mayweather.
Sa panayam ni Scott Heritage ng Examiner.com, sinabi rin ni Roach ang paniniwalang magkakaayos ang dalawang kampo dahil sa laki ng kikitain nina Pacquiao at Mayweather sa laban.
Kahit ang problema sa blood testing ay maisasaayos din wika ni Roach dahil maaring magkita sa gitna ang magkabilang kampo para masolusyunan ito.
Hirit ng kampo ni Mayweather ang cutoff date na 14 days habang 24 naman ang kay Pacquiao kaya’t maaaring magkasara ang dalawa sa 17 o 18 araw bago ang takdang laban wika ni Roach.
“Yes it is going to happen. We are going to make this work the best we can. I think we have enough ammo to get it done quickly because there is a lot of money out there,” pahayag ni Roach.
Sa buwan ng Oktubre o Nobyembre posibleng mangyari ang sagupaan at mananalo si Pacquiao pagtitiyak ni Roach dahil sa mas mabilis at mas malakas ang kanyang alaga kumpara sa matanda nang si Sugar Shane Mosley.
Sa ikalawang round muntik napatumba ni Mosley si Mayweather nang matamaan nito ng malakas na kanan pero naubusan ng hangin ito upang makarekober si Mayweather hanggang sa dinomina ang huling sampung round tungo sa unanimous decision na tagumpay.
“He got coach a few times early in the fight, but if Pacquiao catches him, he will finish him,” pagtitiyak ni Roach.