MANILA, Philippines - Ang patuloy na pagpipilit ni American Floyd Mayweather, Jr. na sumailalim sila ni Manny Pacquiao sa isang Olympic-style drug testing ay nangangahulugan lamang na ayaw nitong maitakda ang kanilang laban.
Ito ang obserbasyon ng ama-amahan ni Pacquiao na si dating Manila Mayor Lito Atienza hinggil sa pahayag ni Mayweather matapos talunin si Sugar Shane Mosley via 12-round unanimous decision.
“Ang tingin ko diyan, talagang ayaw lang labanan ni Mayweather si Manny kasi natatakot siyang madumihan ‘yung malinis niyang record,” ani Atienza sa six-time world champion na may 41-0-0 win-loss-draw card ngayon kasama ang 25 KOs.
Ang ipinipilit ni Mayweather na Olympic-style drug testing ang siyang naging dahilan ng pagkakabasura ng negosasyon para sa kanilang megafight ni Pacquiao noong Marso.
Sa kanilang banggaan ng 38-anyos na si Mosley, kapwa sila dumaan sa naturang proseso ng 33-anyos na si Mayweather.
“I just want everyone to be on an even playing field. If every athlete is clean in the sport of boxing, take the test,” ani Mayweather. “If Manny Pacquaio takes the blood and urine tests, we can fight. If he doesn’t, we won’t make the fight.”
Ayon kay Atienza, kayang talunin ng 31-anyos na si Pacquiao si Mayweather mula sa ipinakita nito sa kanilang upakan ni Mosley.
Lubhang naging maganda na ang mga nakaraang laban ng Filipino world-seven division titlist kina Oscar Dela Hoya, Ricky Hatton, Miguel Cotto at Joshua Clottey.