MANILA, Philippines - Patutunayan ni Balweg “The Davao Hitman” Bangoyan na hinog na nga siya para maging kampeon sa mundo ng boxing sa pagharap niya kay Toshiaki Nishioka ng Japan para sa hawak nitong WBC super bantamweight title.
Si Bangoyan ay tumulak ng Japan ngayon para sa kanyang unang paghamon sa lehitimong titulo na gagawin sa Abril 30 sa Nihon Budokan saTokyo.
Hindi pa natatalo ang 23-anyos tubong Cotabato del Sur pero naninirahan na sa Caburan, Davao Del Sur, sa 15 laban at mayroon na rin itong 6 knockouts sa kanyang career.
Dalawang beses na rin siyang hinirang bilang WBC International Super Bantamweight champion at sa huling laban nga ay nabawi niya ang nabitiwang korona nang hiritan ng majority decision win si Raymond Sermona nang magtuos nitong Setyembre 12, 2009 sa San Andres Gym.
Beterano ang kampeon na si 33-anyos Nishioka dahil mayroon na itong 42 laban at may 35 panalo kasama ang 22 KO.
Ikatlong pagdepensa sa titulo na ito ni Nishioka at huling tinalo nga ay si Mexican Ivan Hernandez na nagretiro matapos lamang ang tatlong rounds.
Bago si Hernandez ay tinalo na rin muna ng Japanese champion si dating WBO champion Jhonny Gonzales noong nagdaang Mayo sa pamamagitan ng third round TKO.
Mabigat man ang kalaban ay tiwala naman si Bangoyan sa tsansa nitong manalo at sasandal siya sa kanyang kabataan para gulatin ang beteranong kampeon.
Nakuha ni Bangoyan, tinutulungan ni Wakee Salud, ang karapatang labanan si Nishioka matapos malagay sa ika-10 puwesto sa hanay ng WBC.