MANILA, Philippines - Ito ang sinasabing dahilan kung bakit biglang iniwan ni Chino Trinidad ang Philippine Basketball League (PBL) matapos ang 10 taon bilang Commissioner.
Sinabi ni PBA Board chairman Lito Alvarez ng Air21 na balak nilang magtayo ng isang ‘farm league’ na kagaya ng Developmental League ng National Basketball Association (NBA).
Kasama sa usapan ang PBL at ang Liga Pilipinas.
Ang nasabing ‘merger’ ng PBL at Liga Pilipinas ang siyang magiging ‘minor league’ ng PBA na pagkukunan ng mga bagong players na kinakatawan ng mga collegiate cagers.
Matatandaang hindi tuwirang inihayag ni Trinidad ang dahilan ng kanyang pagbibitiw sa PBL. Ngunit tinumbok naman nito ang nangyayari sa pagitan ng PBL at Liga Pilipinas.
Ang PBL ay pansamantalang hinahawakan ni Butch Maniego, habang ang Liga Pilipinas ay ginagabayan ni chief executive officer Noli Eala na siya ring executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Inatasan na ng PBA board sina Buddy Encarnado ng Sta. Lucia, Robert Non ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text alternate governor Patrick Gregorio na patuloy na makipag-usap sa PBL at sa Liga para sa nasabing ‘merger’.
Naniniwala si Alvarez na tuluyan nang mapopormalisa ang PBL-Liga merger bago matapos ang buwan ng Abril.
Ang PBL-Liga merger ang siyang magiging ‘transition tournament’ ng mga collegiate players mula sa UAAP at NCAA bago maglaro sa professional league, dagdag ni Alvarez.
Sapul nang ilunsad noong 1983, ang PBL ang siya nang pinagkukunan ng mga manlalaro ng PBA, habang ang Liga Pilipinas na itinayo noong 2008 ang nagtampok kina Fil-American Jared Dillinger at Mark Yee ng Talk ‘N Text at Ramsay Williams ng Air21.