MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng Aquatics Sports Association of the Philippines (ASAP) ang Philippine Olympic Committee (POC) kung bakit pinahintulutan ang eleksyon na isinagawa ng Philippine Amateur Swimming Association na pinamumunuan ni Mark Joseph.
Si Joseph ay iniupo bilang pangulo uli ng PASA na ngayon ay makikilala na bilang Philippine Aquatics Sports Association sa isang eleksyon na ginanap nitong Sabado sa Mactan Shangrila Hotel sa Cebu.
Hindi malinaw kung ilan ang dumalong botante sa naganap na halalan pero kinikilala ito ng POC dahil ipinadala nila si Corina Mojica, kasapi ng POC executive board, bilang kinatawan ng POC.
Banat ng ASAP, mali ang pagkatig ng POC sa eleksyong ito dahil hindi tumatalima sa kasunduang nagluklok kay Joseph mula sa dating pangulo na si Chito Ilagan.
Taong 2005 nang humalili si Joseph pero kasama sa usapin ang agarang pagpapatawag ng eleksyon na lalahukan ng mga iba’t ibang regional presidents na kaanib ng PASA.
Hindi na nagpatawag ng eleksyon, inakusahan din nila na inisa-isa ang pagtatanggal sa mga regional directors hanggang sa si Joseph at iilang kaalyado na lamang ang nagpapalakad sa asosasyon.
Dahil dito, walang lehitimong miyembro ang nakadalo sa ipinatawag na eleksyon ni Joseph.
Hindi rin tama ang ginawang pagpapalit ng Constitution at By Laws ng PASA dahil walang bisa ito dahil hindi inaprubahan ng board.
“PASA remains inextricably governed by its old by-laws,” wika ni ASAP president Atty. Marilu Arzaga-Mendoza. “Any claim of amendment by Joseph would not only be legally infirm but a downright lie.”
Sa mga ipinunto, nais ng ASAP na kumilos at itama ito ng POC na pinamumunuan ni Jose Cojuangco Jr. na kilalang malapit na kaalyado ni Joseph.
“If Mark Joseph’s claims are to be believed that no less than POC president Jose Cojuangco sent a representative to monitor the PASA elections, it’s clear that this is part of Cojuangco’s maneuverings to fill the different NSAs with persons loyal to him so as to secure his weakening hold on the POC presidency, what with his own NSA ousting him as president,” banat pa ni Mendoza.
Kasama ng ASAP na tumutuligsa kay Joseph si POC Special Assistant Go Teng Kok na naniniwala ring wala sa lugar ang isinagawang eleksyon.