MANILA, Philippines - Itinakas ng La Salle ang 67-66 pananaig laban sa STI College upang makasalo sa ikalawang posisyon sa Group A ng 3rd FREEGO Filipino-Chinese Basketball League (FCBL) Cup nitong weekend sa Phil. Buddhacare Gym sa Quezon City.
Isinalpak ni Jon Villaruz ang game-winning freethrows para sa Greenies may isang minuto na lamang ang nalalabi at sinabayan naman ito ng paghulagpos ng bola sa mga kamay ni Reno Alcantara ng STI sa final possession at muli itong nabigo sa kanyang tangka na naging daan upang malasap ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan sa annual high school cagefest na suportado rin ng Smart Communications.
Tumapos si Villaruz ng 12 puntos at 5 rebounds upang banderahan ang LSGH sa kanilang ikalawang panalo at makasama ang Ateneo sa No. 2 posisyon taglay ang magkatulad na 2-1 marka, isang larong agwat sa lider na Mapua (3-0).
Tinanghal rin si Villaruz na Freego Player of the Game.
Naglista naman si Alcantara ng 14 puntos kabilang ang tatlong triples upang isubi ang ENERGEN 3-Point Shooter of the Game.
Pinabagsak naman ng Jose Rizal University ang Xavier School, 84-81 upang manatiling walang talo sa tournament na suportado rin ng Mighty Sports, Colt Commercial, Star Galaxy Industrial Fabricator Inc., Powerbest Marketing Inc., Mandarin Sky Seafood & Shabu-Shabu Restaurant, Multimotors Auto Part Inc. at Apple Tape.