Give away na talaga ang kasagutan sa tanong na: “Sino ang magiging Rookie of the Year ng 35th season ng Philippine Basketball Association?”
Walang kalaban si Rico Maierhofer ng B-Meg Derby Ace Llamados (dating Purefoods Tender Juicy Giants). Bilang patunay nito, si Maierhofer ang tanging rookie na nakabilang sa Annual All-Star Game na ginanap kahapon sa Puerto Princesa, Palawan.
Hindi siya naglaro sa Rookie vs Sophomore blitz game noong Biyernes kung saan nagwagi ang mga second year players, 106-87. Sa halip ay doon siya naglaro sa All-Star game na kinatatampukan ng mga superstars ng liga!
Malaking karangalan iyon para sa isang baguhang tulad ni Maierhofer. Ibig sabihin, ngayon pa lamang ay itinuturing na siyang kabilang sa mga “superstars!” ng PBA!
Biruin mo iyon? sa unang taon pa lang ay All-Star na kaagad si Maierhofer.
Eh, sa unang taon pa nga lang ay nakatikim na siya ng isang kampeonato. Bale, dalawa sila ng kakampi niyang si Chris Timberlake na mga rookies na nagkampeon kaagad although sa nakaraang Finals ng Philippine Cup ay si Maierhofer lang ang talagang nagamit nang husto nang walisin ng Purefoods ang Alaska Milk, 4-0.
Masuwerte ang B-Meg sa pagkakakuha nito kay Maierhofer sa nakaraang PBA Rookie Draft. Masuwerte din si Maierhofer na inayawan muna ni Japhet Aguilar ang PBA at ninais na maglaro muna sa Smart Gilas developmental team.
Kasi nga, si Japhet naman talaga ang pinag-uusapan at pinagkakaguluhan ng mga PBA teams sa Draft Day. Si Japhet ang tanging amateur player na nakabilang sa Powerade team Pilipinas. Naglaro ito sa Ateneo Blue Eagles bago nagtungo sa Estados Unidos kung saan nakapaglaro sa US NCAA.
Kaya naman si Japhet ang ginawa ng Air21 (dating Burger King) na No.1 pick sa Draft. Kinuha ng Purefoods bilang No. 2 pick si Maierhofer.
Pero hindi naman pala talaga gustong mag-pro ni Aguilar. Naglaro lang siya ng isang game bago ipinamigay na ng Air21 sa Talk N Text upang maibaba naman sa Smart Gilas.
Ironically, ang kaisa-isang game na nilaro ni Aguilar ay kontra sa Purefoods kung saan nagharap sila ni Maierhofer. Halos parehas lang ang mga numerong naisumite ng dalawang rookies.
Kaya naman hindi masasabing kaya lang magiging Rookie of the Year si Maierhofer ay dahil sa nawala sa eksena si Aguilar.
Puwede din kasing kahit na nagpatuloy sa paglalaro si Aguilar sa PBA ay si Maierhofer pa rin ang magiging Rookie of the Year.
Tila iyon ang itinadhana!