MANILA, Philippines - Bunga ng idaraos na FIBA-Asia Congress, ipinagpaliban sa Oktubre ang Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Women’s Championship na unang itinakda sa Hunyo 9 sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Noli Eala.
“Yes the women’s championship was re-scheduled due to conflict with the forthcoming FIBA-Asia Congress,” wika ni Eala. “We are still deciding on an appropriate date, perhaps in October.”
Ang pagkakaantala ng SEABA ang siyang nagpaguho sa tsansa ng mga Filipina dribblers na makalahok sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre 12-27.
Kung magrereyna ang RP Team sa SEABA ay sila na ang kakatawan sa Southeast Asia sa 2010 Guangzhou Asiad.
Sa kabila nito, itutuloy pa rin ng SBP ang international exposure ng mga Filipino cagers sa Australia, China at Japan kasama ang isang pocket tournament sa Maynila.
Plano rin ng SBP na humugot ng mga Filipino-American players kagaya ni Vicky Brick na naging miyembro ng tropa noong 2005 Philippine SEAG kung saan nagbulsa ng bronze medal ang women’s squad.