MANILA, Philippines - Nakontento si GM Wesley So ng Pilipinas na makitabla kay GM Yu Yangyi ng China upang manatiling nakasalo sa liderato matapos ang fourth round sa 2010 Asian Individual Chess Championships na idinadaos sa Subic Exhibition and Convention Center.
Nagtabla ang dalawang GM nang kapwa silang matirahan ng isang queen, dalawang rooks at apat na pawns.
Ang resulta ng laro ay tumapos sa tatlong sunod na panalo ng nagdedepensang kampeon pero sapat pa rin upang makasalo sa liderato tangan ang 3.5 points kasama si Yu at GM Susanto Megaranto ng Indonesia sa nine-round torneo na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa pakikipagtulungan sa PSC, DOT, PCSO, PAGCOR at Subic Bay Metropolitan Authority.
Tatlong manlalaro naman ang nasa ikalawang grupo at kapos ng kalahating puntos sa nangungunang grupo.
Si Chinese GM Li Chao na nanalo sa 2007 PGMA Cup at 2008 Philippine International Open ay tumabla naman sa huling laro laban kay Megaranto.
Sina Olympiad-bound GMs Rogelio Antonio at John Paul Gomez kasama si GM-elect Ronald Dableo ay nakikipagtagisan pa laban kina Mongolian Dashzegve, Iranian Asghar Golizadeh at Indian Narayan Gopal Geetha.
Nangunguna naman si Chinese IM Wang Yu sa labanan sa kababaihan laban sa kakamping WFM Ding Yixin.
Si Yu ay may 3.5 puntos matapos makipagtabla kay Ding na may 3 puntos para sa pangalawang puwesto.
Angat si Ding ng kalahating puntos kina Vietnamese WGM Nguyen Thi Than An at Chinese WGM Ju Wenjun.