MANILA, Philippines - Sa halip na makipag-away ay nais na lamang ni Mark Joseph na ituon ang isipan sa pagpapalawig ng larong swimming sa bansa.
Nakuha uli ni Joseph ang karapatan na pangunahan ang swimming sa bansa nang iupo uli bilang pangulo ng Philippine Aquatics Sports Association na dating kilala bilang Philippine Amateur Swimming Association.
Ang eleksyon ay idinaos nitong Sabado ng gabi sa Mactan Shangrila Hotel sa Cebu at kasamang iniupo ni Joseph ay sina Luisito Mangahis bilang vice president, Ral Rosario bilang sec-gen, Christina Inigo bilang executive director at Akiko Thomson-Guevarra bilang treasurer.
Si Thomson-Guevarra na commissioner din ng PSC ay maninilbihan lamang matapos bumaba sa kanyang puwesto sa komisyon.
Pinasalamatan ni Joseph ang mga naniwala sa kanyang kakayahan at ipinangakong magtatrabaho para maitaas pa ang antas ng sport sa bansa.
Kung makakaya niyang gawin ito ng walang problema ay isang malaki pang katanungan lalo nga’t inaatake siya ng katunggaling grupo na Amateur Swimming Association of the Philippines (ASAP) bukod pa ni Special Assistant to POC president Go Teng Kok.
Iisa ang kanilang tinuran laban kay Joseph, na hindi tumalima sa batas ng NSA at ng POC ang isinagawang eleksyon.
Kinukuwestiyon din ng ASAP na pinamumunuan ni Atty. Ma. Luz Arzaga Mendoza ang pagpapalit ng pangalan ng PASA na isang aksyon upang makaiwas sa kasong paglulustay ng pera si Joseph.