MANILA, Philippines - Ipinatikim ng University of Santo Tomas sa Ateneo ang kanilang unang kabiguan sa pamamagitan ng 85-71 panalo at pigilan ang kanilang dalawang dikit na pagdausdos sa 3rd FREEGO Filipino-Chinese Basketball League (FCBL) Cup sa Phil. Buddhacare Gym sa Quezon City.
Sinamantala ng Tigers ang pagkawala nina RP Youth members Von Pessumal at Paolo Romero para sa Blue Eaglets at sumandig sa malakas na performance ni Kevin Ferrer upang ilista ang kanilang unang panalo sa annual high school cagefest na suportado rin ng Smart Communications.
Dahil sa pagkakaupo nina Pessumal at Romero sanhi ng injuries, madaling kinapitalisa ng UST ang Eaglets at maagang dinomina ang laban nang kunin ang 46-33 bentahe sa halftime na hindi na nila binitiwan pa.
Tumapos si Ferrer ng 29 puntos, 11 rebounds at 4 assists para sa Tigers Cubs na nagbigay sa kanya ng Freego Player of The Game honor.
Tanging si Kiefer Ravena ang manlalaro ng Ateneo na gumawa ng double figures sa pinitas na 22 puntos.
Bumagsak ang Blue Eaglets sa 2-1 win-loss slate at nasolo ang ikalawang posisyon sa Group A ng tournament na suportado rin ng Mighty Sports, ENERGEN, Colt Commercial, Star Galaxy Industrial Fabricator Inc., Powerbest Marketing Inc., Mandarin Sky Seafood & Shabu-Shabu Restaurant, Multimotors Auto Part Inc. at Apple Tape.
Sa iba pang laro, tinalo ng San Beda ang Adamson, 90-46, nalusutan ng Mapua at STI, 75-71 habang ginapi ng FEU hang La Salle Zobel, 88-85.