MANILA, Philippines - Isang mintis na dunk ni 5-foot-9 Paul Artadi sa Obstacle Course, pitong puntos na iskor ni James Yap sa Three-Point Shootout at nakatatamad na mga slam dunk ni Gabe Norwood sa Slam Dunk Competition.
Dahil sa mga ito, may mga bago nang hari sa naturang side event ng 2010 PBA All-Star Weekend kahapon sa nangalahating Puerto Princesa Coliseum sa Palawan.
Kumolekta si Jonas Villanueva ng San Miguel ng 31.7 segundo sa final round para talunin sina three-time champion Willie Miller ng Alaska (34.7) at Ronjay Buenafe ng Air21 (37.1) at angkinin ang korona sa Obstacle Course.
Sinimulan ni Artadi ang pagdedepensa sa naturang titulo mula sa isang mintis na dunk na nabigong magdala sa kanya sa finals.
Tinalo naman ni Mark Macapagal ng Coca-Cola sina Jeff Chan ng Rain or Shine at Yousif Aljamal ng Barako Coffee sa final round para angkinin ang Three-Point Shootout plaque.
Umiskor si Macapagal ng 13 puntos sa finals kasunod ang 12 ni Chan at 11 ni Aljamal, umiskor ng 19 sa first round kung saan pito lamang ang naitala ni Yap.
Nagposte naman si Derby Ace forward KG Canaleta, ang three-time titlist, ng 50 puntos kumpara sa 45 ni 2008 king Kelly Williams ng Sta. Lucia sa kanilang dunk-off upang pagharian ang Slam Dunk Competition.
Bukod kay Williams at sa dating kampeong si Norwood, ang iba pang tinalo ni Canaleta para sa kanyang pang apat na Slam Dunk title ay sina JC Intal ng Ginebra at Rico Maierhofer ng Derby Ace.